Kulong

Makasalanan ako.
Sa isip. Sa salita. Sa gawa.
Alam kong habang nabubuhay ako sa mundong ito
Umiwas man ako, magkakasala at magkakasala ako.
Kaya oo, makasalanan ako.

Hindi ako perpekto.
Lumaki man ako sa simbahan
Alam kong hindi ito ang tunay na sukatan ng pagiging Kristiyano.
Oo alam ko, hindi ako perpekto.

Para akong isang ibon na nakakulong sa kanyang hawla
Nagpupumilit na lumabas
Nagpupumilit na makatakas
Ninanais lisanin ang mundong punong-puno ng kapanglawan

Para akong isang bata na palaging nadarapa
Nasasaktan. Nagkakasugat.
Dumudugo ang mga parte ng kanyang kahinaan
Nahihirapang bumangon dahil sa hapdi ng kalooban

Ngunit ayoko na dito.
Nahihirapan na ako.
Liwanag na dala mo, iyon ang ninanais ko.
Pag-asa na kaloob mo, iyon ang hinahangad ko.

Tulungan mo ako.
Tulungan mo ako.

Pero bakit ganun?
Alam kong hindi ka malayo.
Alam kong nandiyan ka.
Alam kong dala mo ang pagasa.

Pero bakit ako ang lumalayo?
Pagmamahal ang ibinibigay mo
Pagkukulang ang ibinabalik ko.

Ngunit ayoko na.
Heto ako, lumalapit at nagmamakaawa.

Tanggalin mo sa akin ang kadena na sa aki’y matagal nang gumagapos
Tanggalin mo sa akin ang lubid na pilit akong tinatapos
Tanggalin mo sa akin ang kulungan na sa aki’y umaalipin
Iligtas mo ako at muli ako’y iyong kandungin

Gawin mo akong isang sanggol
Ihele mo ako sa iyong banal na presensya
Hindi ka namatay upang ako’y maging alipin
Hindi mo ininda ang mga sugat para lamang sa akin

Sa pagkamatay mo, ang aking kasalanan ay inilibing mo
Dahil sa iyong sugat, sakit na nararamdaman ko’y pinagaling mo
Dahil sa iyong banal na dugo, karumihan ko ay nilinis mo
Dahil sayo, malinis ako

At sa iyong pagkabuhay, dala mo ay pagasa
Pagasa na nagsisilbing ilaw sa mga tao nagkakasala
Kasabay ng pagkamatay mo, ang paglimot mo sa kasalanan ko
At kasabay ng pagkabuhay mo, isang bagong simula ang naranasan ko.

Kulang ang lahat ng tula
Kulang ang lahat ng salita
Upang ang isang taong katulad ko
Ay bigyan mo ng ganyang awa

Salamat sa pagmamahal na patuloy kong nararamdaman
Salamat sa pagpapatawad na patuloy kong nararanasan
Salamat sa iyong muling pagkabuhay na nagbigay pagasa
Sa taong katulad ko na hindi karapat-dapat na tumawag sayo ng Ama.

Sagot

Naririnig ko
Sigaw ng damdamin na inaalay mo
Ng Ika’y dumating
Nawala lahat ng takot sa puso kong ito

Sayo lang nadama
Pagibig na ito
Handa ng ibigay
Ang puso ko sa’yo

Naririnig ko ang tinig mo
Oh pagibig mong hatid
Ay aking nabatid
Mahal ko
Pangako sayo
Hanggang sa dulo ng mundo
Ang puso mo’y iingatan ko

Sakim

Madamot. Sakim.
Salitang sa akin ay maari mong mahambing
Madamot. Sakim.
Mga salitang alam kong para sa akin

Kinailangan mo, ngunit ika’y isinantabi
Sinabihan mo, ngunit ako’y nabingi
Humingi ka ng saklolo, wala pa ring nangyari
Ginawa mo ng lahat, isa pa ring mistulang pasubali

Hindi tinignan anong iyong nararamdaman
Napuno pa ng inis at galit ang aking isipan
Syempre, sarili ko na naman ang aking inuna
Grabe, sakim nga talagang matatawag ang tulad ko hindi ba?

Naghanap pa nga ako ng kakampi
Nilabas ang emosyon ng hindi alam ang tunay na nangyari
Dire-diretso ang bibig ng isang sakim na binibini
Umiyak na parang sanggol na ang gusto ay kandili

Oo, alam ko.
Sakim ako.
Hindi ko nakita ang pangagailangan mo
Naniwala ka na ako ang makakatulong sayo,
Pero binigo kita Mahal ko.

Mali ako
Handa akong pagbayaran ang kasalanan ko
Naging mali ka pa sa paningin ng ibang tao
Na ako ang unang dapat magprotekta sayo.

Madamot ako
Hindi ko inisip ang mararamdaman mo
Mailabas ko lang kung anong gusto ko
Kahit kapalit noon ay pagdurusa mo

Mahal ko, inaamin ko, mali ako.
Patawarin mo ako sa nagawa ko
Pinangakong sayo’y magiging totoo
Ngunit nung wala ka’y naging ibang tao.

Mahal ko, inuulit ko, mali ako.
Isang taong makasarili na sayo’y regalo
Hindi ito ang pagmamahal na nararapat sayo
Patawarin mo ako dahil naging sakim ako.

Pinapangako ko na dadalhin ko ang aral na ito
Ang tunay na pagmamahal na naramdaman mula sayo
Laging isiping wala ng ikaw o ako
Isaisip na ang mayroon ay TAYO

Mahal ko, pangako sayo
Pagiging makasarili ay kalilimutan ko
Hindi man tayo naniniwala sa dulo
Ngunit, kung may dulo man ang mundo
Ang tanging nais ko ngayon ay ingatan ang puso mo.

Minsan pa,
Patawad, Mahal ko.

Linggo

Daily routine.

Lunes, Miyerkules, Biyernes (pag walang pasok ng morning si Nanay)

Morning, 6:00/onwards Tatawag ako ng umaga sa skype or sa phone para gisingin si Nanay. Tapos mag uusap kami ng kaunti kasi antok pa kami parehas, lalo na si Nanay, madalas siyang antok talaga at lumilipad yung isip pag bagong gising. Hanggang sa bumaba na kami at maliligo tapos after namin mag bihis tatawag na ako o siya pero madalas ako. Usap lang saglit tapos pray na para makaalis na kami kasi 10 am call time namin sa office and school. Habang nasa byahe tatawag ako para masulit yung oras pero madalas hindi din kami makapag usap ng ayos. Tapos pag malapit na siya sa office malulungkot na ko kasi tapos na yung oras namin pero wala pa ring “quality time”. Hindi niya ibababa yung tawag pero wala na talaga kaming pinaguusapan hanggang sa mamatay na and yun na yung last na tawag. 

10am na, ito na yung mga oras na walang progress yung relationship. Focus na siya sa work niya and ako naman sa school. Pero hindi niya hawak yung oras niya kaya wala akong magawa. Apat, anim, pito na mga messages yung matatanggap ko sa isang buong araw. Minsan wala pa. Mahirap pero wala naman kaming magawa. Darating yung gabi, uuwi na siya. Kailangan naka ayos na ko. Tapos ko na lahat ng gagawin ko kasi kailangan ko siyang samahan sa paguwi niya kahit over the phone lang saka nagbabaka sakali na magkaroon kami ng quality time. Makakarating na siya sa bahay tapos kakain siya and hihintay ko siyang matapos para makausap ko na siya. Isang buong araw kong hinintay yung araw na yun. Yung makausap siya. Yung magkaroon kami ng quality time. Pero dahil pagod at maraming iniisip 50/50 din yung chance na magkaroon ng quality time. Pwede kasing makatulog kami o parehas kaming walang masabing maganda kasi lumilipad na yung isip namin.

Martes at Huwebes (pag wala pa ring morning na sched si Nanay)

Mauuna akong bumangon kasi 7 ang pasok ko. Sinisigurado ko na mapaparinig ko kay Nanay yung boses ko every morning para makatulong sa kanya sa buong araw. Babyahe ako habang tulog siya. Tapos itetext ko siya pag nasa school na ko. Madalas 7:40 talaga gising niya gawa ng alarm niya. Tapos magtetext lang yung kasi bababa na siya. Tapos aakyat siya after maligo. After magbihis tatawag na ko para mag pray kami. Hindi ko na siya makakausap sa biyahe hanggang sa 10 nasa office na siya ako naman kaka out lang namin. Pero sinisigurado ko naman na nagtetext ako kahit walang kasiguraduhan na mababasa niya o madalas hindi naman nababasa. Ginagawa ko yung part ko kahit alam kong 1% lang yung chance na mapansin niya yun. Minsan 7 na siya magtetext tapos tatawag na lang ako para samahan ulit siya hanggang makauwi siya. Tapos ganun ulit, pagod na so malabong magkaroon ulit ng quality time.

Sabado (pag walang pasok si Nanay

Gigising ako ng maaga para tawagan si Nanay para makabawi man lang sa isang linggo na dumaan samin pero pagod pa rin si Nanay. Kailangan kong hintayin na makapag process na yung utak niya. Medyo matagal kaya pag napapasarap na yung kwentuhan kailangan ko naman bumaba dahil maraming utos sa akin. Ito yung araw na pwede kaming magkita and magkaroon ng oras sa isa’t isa. Kaso hindi palagi kasi madalas may pasok siya o kaya wala akong pang gas and toll. Kaya mahirap para sa amin yung magkita. Pero alam ko naman na sinusubukan namin lahat para lang mabigay yung needs ng bawat isa. 

Linggo.

Syempre given na para to kay Lord and sa family pero blessing na lang talaga pag nakakalabas kami nito o nakakapag kita pero madalas gabi na rin kami nakakapagusap pero minsan kailangan na rin matulog kasi kinabukasan may pasok na ulit.

Pero Nay alam mo po, sa kabila ng mga nararamdaman ko na hirap at pagtitiis, naiintindihan ko naman po talaga. Siguro may pagkakataon lang talaga na may hinahanap at may kailangan ako sa mga oras na yun. Sorry po Nay. Pero lagi mo pong tatandaan na Mahal na mahal ka ni Tatay at hinding hindi kita iiwan kahit ano pang mangyari. Mahal na mahal po kita. Mahal na mahal.

—————————May mga bagay na sadyang mahirap balansehin. Pero naniniwala ako na kung parehas kayong magtutulungan, ang mga hirap at pagsubok ay inyong malalagpasan.

Salamat sa paghihintay, Tay.

Mahal (Liham)

May sasabihin sana ako, okay lang bang mahingi yung kaunting oras mo? Pangako, magiging mabilis lang ito at hindi na magiging paligoy ligoy.

Mahal kita, yan yung totoo, kahit nahihirapan na ko masasabi kong OO! Mahal kita. Uulitin ko, mahal kita. Walang sapat na dahilan para iwan kita. Maraming dahilan para hindi ako bumitaw at isa na doon ay ang “Ikaw”. Ikaw na naging dahilan ng saya sa aking mga labi. Ikaw na siyang nagbigay ng kahulugan sa mga salitang “Habang buhay” at “Pagmamahal”. Ikaw na siyang nagtatama ng mga mali kong kaisipan sa buhay. Ikaw na walang sawang umiintindi at ibinibigay ang lahat para lang sa atin. Ikaw na walang ibang hinangad kundi mabigyan ako ng saya sa bawat oras na dadaan. Oo ikaw, ikaw nga ang dahilan kung bakit kita Mahal. 

At ng dahil sa ikaw natutunan kong mawala ang ako at pinalitan mo ito ng “tayo”. Tayo na siyang babago sa ikot ng mundo nating dalawa. Tayo na siyang magbibigay ng dahilan kung bakit hindi na natin kailangan mamuhay sa nakaraan. Tayo na siyang nakakakita na wala ng pwedeng maging isa kundi tayo lang. Ikaw at ako at tayo.
Marami ng dumaan. Marami ng nadagdag at nawala. Marami ng nagbago hindi para sa akin at sa’yo kundi para sa atin. Hindi ko na lubos mabilang kung ilang masasayang araw na ba ang nagdaan sa atin at kung ilang luha na ba ang pumatak para lang sa atin. 

Pinatitibay tayo ng bawat pagkakataon. Pinapatatag nito ang tayo para sa mga susunod pang panahon. Gusto kong malaman mo na handa na kong makasama ka. Hindi lang ngayon kundi habang buhay. Handa akong harapin lahat ng pagsubok na darating sa atin. Handa na rin akong masaktan.

Pero may isa lang akong pakiusap. Sana sa pagiging handa ko maging handa ka rin. Maging handa ka rin na samahan ako at maging lakas ko sa lahat ng pagsubok na haharapin natin. Samahan mo ko na buoin unti-unti yung masasayang araw natin na ninanakaw sa atin ng panahon. Yung masasayang araw na nasasayang. At yung masasayang araw na sana nararanasan natin araw araw. Samahan mo ko. 
Mahal ko, sa araw na ito, gusto kong mangako sa’yo. Dito sa puso ko, bukod tanging ikaw lang ang minahal ko ng ganito. Bawat araw na kasama kita ay ang mga araw na hinihiling ko na sana wag ng matapos pa. Ikaw lang ang gusto kong makasama habang buhay at ikaw lang ang gusto kong makasama simula sa pag gising hanggang sa pagtulog ko. Hindi kita kayang mawala sa buhay ko. Hindi ko kakayanin pag iniwan mo ko. Pangako, mamahalin kita ng higit pa sa kaya kong ibigay. Mahal na mahal kita at patuloy kitang mamahalin. Mahal ko, pangako ko na sa’yo lang ako. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal.
———————

Hindi ko na mabilang kung ilang ulit ko itong binasa. Ito’y isang liham mula sa taong sa aki’y lubos na nagbibigay saya. Isang liham ng alam mong katotohanan. Isang liham na alam mong handa kang ipaglaban.

Ps.

Lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon dahil ikaw ang ibinigay Niya. Hindi ako magsisisi na pinili kong samahan ka. Salamat sa pagmamahal na patuloy mong ipinaparamdam. Salamat sa mga pangakong maari kong panghawakan. Salamat sa lahat ng sakripisyo na handa mong gawin. Salamat dahil handa kang gawin ang lahat para sa atin.

Gusto ko malaman mo na hindi ako magsasawang sabihin na mahal kita. Oo, mahal din kita. Salamat. Salamat sa liham, Mahal. ❤️

Dissonance-Reduction (The Longest Ride: Collection)

  • “I know you miss me terribly. I miss you, too. But we still have each other, for I am – and always have been – part of you. You carry me in your heart, just as I carried you in mine, and nothing can ever change that. I love you, my darling, and you love me. Hold on to that feeling. Hold on to us. And little by little, you will find a way to heal.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “Remember me with joy, for this is how I always thought of you. That is what I want, more than anything. I want you to smile when you think of me. And in your smile, I will live forever” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “I think that the point is that people rarely understand that nothing is ever exactly what you think it will be.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “You don’t know how strong something is until you actually test it.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “The only thing I do know for sure is that if we both want to, we’ll find a way to make it work.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “If it makes you feel better, I promise to forget.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “It’s easy to joke when you don’t care any more. I’m not saying it didn’t hurt me, because it did.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “I’d like to marry you, if you think that would be okay.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride
  • “I have loved you in return, more than you will ever know.” ― Nicholas Sparks, The Longest Ride

———————

Ps.

God blessed the broken road that led me straight to you.

 I love you, you know.

Takas

Dumating ka na ba sa pagkakataon na ginusto mong umiwas?
Dumating ka na ba sa punto na ginusto mong lumayo na lang?
Dumating ka na ba sa oras na ninais mong lisanin ang lahat?
Yung tipong kalimutan ang mga alala na nagbigay sa iyo ng lamat.

Iwasan, layuan
Lisanin at kahit saglit ay takasan
Mundong hindi mo alam kung puno ba ng kalungkutan
O mundo ng katanungan na hindi mo lang alam ang kasagutan.

Huwag kang magulo. Panahon ko ito.
Makinig ka sa mga sasabihin ko
Pahiram ako ng atensyon mo
Baka sakaling mapagtanto mo

Paalam na. Iiwas na ako.
Paalam na. Lalayo na ako.
Pinipili ko ng lisanin ang mundo kong nasakop mo.
Dinaig mo pa nga ang hapon at amerikano,
Nanirahan ka kasi dito sa puso ko.

Huwag mo akong pigilan.
Huwag mo akong pahintuin.
Huwag mo akong ilagay sa sitwasyon na ika’y piliin.

Huwag mo akong suyuin.
Huwag mo akong dayain.
Huwag mong ilagay ang puso ko na maging alanganin.

Paalam na.
Paalam na sinabi.
Inuulit ko, paalam na.
Wala ka bang masasabi?

Napakadaling sabihin ngunit ang hirap gawin
Napakadaling bigkasin ngunit hindi ko kayang tuparin
Hindi pala ito biro, hindi pala ito makakabuti
Kahit anong sabihin sa aking sarili
Ikaw pa rin ang aking minimithi

Kahit anong iwas ko, babalik din pala ako
Kahit anong layo ko, pipiliin ko pa din ang alaala mo
Kahit anong sabi ko na lisanin mo ang mundo ko
Makikita ko pa din ang sarili kong papasok sa mundo mo

Ikaw.
Oo, ikaw.
Ikaw pa din ang pipiliin ko.


Ganito kagulo ang pag iisip ng ibang kababaihan.
Hindi mo mawari. Hindi mo matatantsa.
Sobrang magulo. Sobrang mabagyo.
Pero tandaan mo, kahit gaano pa kagulo iyan,
Kahit gaano pa kahirap matantsa iyan,
Nagdarasal iyan para sa iyong kasiyahan.